Gaano man kaliit o kalaki ang ekwelahang papasukan mo, talagang mangangapa ka sa umpisa. At sa mga mata ng nauna na sa'yo doon, alam nilang bago ka. Pwedeng dahil sa damit na suot mo, sa kilos mo, sa mga dala mo, kung saan ka nakatambay o sadyang alam lang nila kasi napandaanan na nila iyon.
Pamantasang inaabot ng Umaga ang Pila - hindi na ata mahihiwalay ang mga salitang iyan sa Polytechnic University of the Philippines. Mula sa pag-aasikaso sa enrollment, hanggang sa maka-graduate ka, yan ang dadanasin mo. Iyan ang unang itatanim mo sa utak mo kung gusto mong mag-aral sa PUP. Huwag ka nang magugulat kung ang pila para lang magbayad ng tuition fee ay aabot hanggang 5th floor. Sadyang ganoon kadami ang mga estudyante na nag-aaral dito, mantakin mong sa kursong tinapos ko, ang populasyon namin ay pwede nang bumuo ng isang Pamantasan. Pero kung talagang dadaanin sa tyaga, matatapos mo yan ng isang araw. At siguraduhin mong ang pinipilahan mo ang tamang pila.
Lipana na din ang mga mag-aaral na dinadaan sa daya ang pila, kaya alerto ka din, wag ka papalamang.
- Merong pipila dyan na isa o dalawang tao at kapag malapit na sa cashier, magdadatingan na ang buong klase nila.
- May dadaang kakilala iyong nakapila at biglang magkakakwentuhan sila, hanggang sa malaman mong sumisingit na pala sa pila ung isa.
- May makikiusap sa'yo na pasingitin ang kaibigan nila, ikaw pa ang tatarayan.
- Bobolahin kang kailangan nilang mauna dahil sa mga rasong ikaw na humusga kung kapani-paniwala.
Pananamit. Simple lang manamit ang mga estudyante dito. Kaya kapag first year ka, halatang halata lalo kung pa-impress ka. Pwedeng magtsinelas, mag-shorts, magsando, long sleeves, pantalon, t-shirt, palda o kung ano pang gustuhin mo. Pero ikaw, ano ba dapat at tamang suotin kapag pumapasok? ☺ Wag lang OA.
Kung walang tyaga, walang nilaga. Bawal ang tamad. Bawal ang late. Bawal ang petics. Bawal ang pasaway. Bawal ang magreklamo sa professor. Bawal sumali sa mga organizations sa school. Bawal ang hindi seryoso. - Bawal daw, pero hindi kumpleto ang Kolehiyo kung wala yang mga yan. Pero nasa iyo kung saan ka magpapadala sa mga gagawin at pipiliin mo.
Organizations. Kakapasok mo pa lang ng gate sa Mabini Campus, sasalubungin ka na ng iba't ibang org. member/s. Payo lang, maging mabusisi sa layunin ng mga samahang ito. Wag makuntento sa sinasabi lang sa'yo - magtanong ka, magmasid at kumalap ng impormasyon - huwag basta-basta mahihikayat sa nadidinig lang.
Tambayan. Hindi lahat ng lugar sa loob ng campus ay pwede mong tambayan. MAGBASA KA! Hindi naman delikado, pero mas magandang alam mo kung hanggang saan ka lang pwede. Mas okay nang alam mong hindi ka lumalaspas sa teritoryo ng iba. Dahil nagkalat ang mga organisasyon, nagkalat din ang mga pwesto nila.
Pylon. Hindi lapida ang makikita mo sa gate, mukha lang, pero hindi. Si Pylon yan - ang PUP marmol. At maniwala ka sa akin, buhay na marmol yan.
The Catalyst. Maging updated sa loob ng campus. Wag mahiyang kumuha ng dyaryong pinaghirapan ng kapwa mo Isko/Iska. Marami kang malalaman sa iilang pahinang yan.
Mabini Campus. Hindi kailangang kabisaduhin ang iba't ibang parte ng campus. Dahil sa paglipas ng ilang araw, malalaman mo na din yan ng kusa.
Ninoy Aquino Learning Resources Center. Yan ang ating Library. Pumasok ka para magkalaman. Kung gusto mo ng sample ng mga thesis, ito ang best place. Andito din ang Bulwagang Balagtas.Amphitheatre. Tabi lang ito ng lagoon. May mga event na dito ginaganap.Linear Park. Masisilayan mo ang Ilog Pasig doon. Sa likod ito ng Charlie Building.
Charlie Building. Andyan ang Guidance Office.
Chapel. Tapat ng North wing Odd numbers.
Admin. / Cashier. South Wing.
Wag mo ding palalampasin ang dumaan sa spiral/dome. Paborito naming doon dumaan lalo't hindi pa late.
Hindi lang sa College n'yo pwedeng magrent ng projector, meron din sa Coop.
Masarap tumambay sa 6th floor, North wing. Pero kapag maulan, best spot ang East wing lalo sa 4th floor.
Wag malito. North, East, West, South Wing lang ang direksiyon ng building sa Mabini Campus. At bawat wing, odd at even yan.
Kapag ang nasa Regi form mo TBA ang room, ibig sabihin non, maghanap na kayo ng room na forever vacant sa oras ng subject n'yong yon. Para hindi kayo maghahanapan tuwing dapat nagle-lesson na kayo. Marami sa 5th floor.
Ang Claro M. Rect Hall ay wala sa NALRC, nasa Main Building lang yon. 6th floor. South Wing.
Hindi lang sa Open field at Gym pwedeng mag-P.E., pwedeng sa CEA. (College of Engineering and Architecture). Kung hindi ka naman tamad, pwede mo nang lakarin 'yon galing Mabini Campus. Pag labas, kaliwa, diretso.
Maraming masasarap na kainan sa Teresa - ang kalyeng nilalakad mo mula court hanggang gate ng Unibersidad. Isa don ay ang Garden. Pero kung hanap mo masarap na siomai, sa Papus ka kumaen. Kung masarap na shake naman at lechong kawali, sa foodcourt ka pumunta. Kainan iyon bago ang V.Francisco Street. Winner ang mangga ni Manong na nakapwesto sa tapat ng water station. Babalik balikan mo naman ang lamig ng buko juice sa may kanto ng Teresa, pagkatapos mong kumaen ng yummy na isaw sa tabing pwesto nito. Pagkatawid mo ng riles, masarap naman ang sizzling na tinitinda doon, right side ng kalye. At ngayon, marami nang mga bagong bukas doon na patok talaga. Pero kung tinatamad kang lumabas, masasarap at abot-kaya ang bilihin sa North Wing. Sulit ang buy one take one burger ni Ga at fruit shake ni Ganda. Kilalanin niyo sila. Sa East Wing, bandang dulo, marami ding masasarap na ulam ang tinitinda doon.
Computer rental, xerox, calculator rental, scan, print, school supplies - pwede nang hindi ka na lumabas. Lahat nyan meron sa West Wing. Suki kami ni Ate May dyan.
Pisong tubig? Pwede yan sa ATM (Automated Tubig Machine).
Kada buwan, minsan linggo, mayroong nagdiriwang ng College Week. Kaya kung sino man ang may klase ng 8 ng umaga, wag na manibago sa ingay ng mga estudyante. Bawi ka na lang sa Week ninyo. Posibleng isang linggong walang pasok, puro activities lang. Sumali kayo. Kung hindi naman, suportahan mo ang mga kaklase mong sasali. Parang bestfriend ko, taga nood at taga-tili. HAHAHA.
Alam mo ba kung saan ang PUP Annex? Sa SM Sta. Mesa. Kaya masanay kang sumakay ng patok. Ang mga jeep na sasabog sa lakas ng volume sa pagpapatugtog at parang walang bukas kung magmaneho ang mga tsuper. Bawal ang sabit, titilapon ka. Lalo ang byaheng Stop n Shop - Cubao. Bawal din magkwentuhan, hindi kayo magkakarinigan. :p
Isa sa mga nagpakumpleto ng pagiging batang Teresa ko ay ang pagsakay sa trolley. Yan ang sasakyan papuntang Pandacan. Imagine kung may kasalubong kang tren tapos nataong nasa bandang ilog ang trolley. Ang saya..
Wag kang mabibigla sa mga nakapaskil na paghihimutok ng ibang estudyante. Normal lang yan. Freedom Wall ang buong dingding ng building. LOL. Mayroong pang Black Friday o Walk-out Day. Ikaw ang bahala kung sasama ka o hindi. Masanay ka na din sa mga nagra-rally na umiikot muna sa bawat Wing ng building. Bandwagon. Wag mo silang huhusgahan, may malalim silang dahilan. At may mga dahilan din silang talagang pinag-aralan. Respeto lang.
Videoke. Kung ayaw n'yo nang lumayo, meron lang sa Teresa. V.Francisco Street, kanang side kung galing kang PUP. :) Meron din naman sa Pureza, sa may El Capitan.
Note: Wag matuksong mag-vandal doon, malalaman ng buong school na nag-session at nag-videoke kayo. :P
Wag nang tumambay sa 6th floor at lagoon kapag gabi na. Baka makasaksi ka ng live show. o.O Tsaka madaming lamok, baka magka-dengue ka!
Pylon Run. Tuwing October yan. May tumatakbong nakahubad (Parang sa UP). At sa apat na October ko sa PUP, hindi ako nakanood. HAHA! Sayang.
Kung 7am ang unang klase mo at sa 6th floor ka, goodluck! ☺ Mawawalan ka ng glamour sa pagpanhik. Wag mo nang tangkaing mag-elevator! Exercise! :)
Kung may add subject/s ka, asikasuhin agad ang ACE Form. Bawal ang mabagal, baka maubusan ng slot.
Aircon-tinous ang PUP. Kaya magdala kang pamaypay. Presko kung sa West Wing ang klase mo.
Ferry. May station ng ferry sa PUP.
Marami ng bago ngayon sa Sintang Paaralan, may Great Wall na na hindi na namin naabutan. Oo, mas maganda na ngayon, in short. Pero sa mga bagong salta, pare-parehas lang naman ang pinagdadaanan. Wish ko lang, maging Professor n'yo sa ObliCon si Atty.Melchor, si Sir Sebastian sa History at Lit., si Sir Gutierrez sa Logic at ang mga iba pang magagaling sa larangan ng pagtuturo. ☺☺☺ At wag n'yo akong isusumpa pagkatapos.
Pamantasang Utak ang Puhunan.
Pataasan ng Utak Pababaab ng tuition!
Iskolar ng Bayan!
0 comments
Post a Comment