20 April 2012

Tayo na sa SINESKWELA :)

.


Tuwang tuwa ako kapag alas dose ng tanghali ang pasok ko noong nasa elementarya ako. Ang dami ko kasing nagagawa sa umaga. Ang lungkot naman kasi kung pang-umaga ang klase mo. Pagmulat ng mata mo, bangon agad, ligo, breakfast, bihis, at diretso na sa eskwela. Wala nang oras para maglibang muna at mag-charge ng enerhiya na kailangan sa buong araw sa eskwelahan.
Samantalang kapag pang-hapon ako, nakakapunta pa ako sa bahay ng lola ko, nakakapagbasa pa ako ng Liwayway Gawgaw at Funny Komiks, nakakapagdrowing pa ako ng nobelang komiks ko, at s’yempre, nakakapanood pa ako ng telebisyon, partikular na ang mga kilalang morning shows sa ABS CBN noong dekada nobenta tulad ng Tagalized cartoons, “Bananas In Pyjamas”, “ATBP (Awit, Titik, at Bilang na Pambata)”, at iba’t ibang educational shows (Minsan pati ‘yung programang “Gym Team” eh napapanood ko. Ito ‘yung exercise show dati sa channel 2 tuwing alas-siyete ng umaga). Ilan lang ‘yan sa napakaraming perks sa pagiging pang-hapon ang pasok sa eskwela.
Isinilang sa telebisyon ang mga programang “Batibot”, “Sesame Street”, at “ATBP” upang magkaroon ng pagkakataon na matuto ang mga bata kahit nasa bahay lang sila. Kaso, puro A-B-C, 1-2-3, at pagbabasa lang ang tinuturo sa mga programang ‘yan bukod pa sa mga kagandahang asal. Kumbaga sa eskwelahan mismo eh para bang English at Filipino lang ang subject na pinag-aaralan ng mga bata habang nanonood ng mga ganyang programa.
Ito marahil ang dahilan kung bakit noong kalagitnaan ng dekada nobenta ay naisipan ngABS CBN, Department of Science & Technology (DOST) at Department of Education (DepEd) na bumuo ng isang educational program na tumatalakay sa paksang malaki ang papel sa buhay ng bawat isa sa atin, ang agham at teknolohiya o science and technology. Simple lang ang layunin ng programa: Ang mabigyan ng pagkakataon ang mga bata na mag-aral kahit nakatutok sa telebisyon. Dahil sa paglalaru-laro ng mga salita, pinagsama ang panonood sa cinema o ang ‘sine’ at ang lugar na pinupuntahan ng mga estudyante, ang ‘eskwela’, at dito nabuo ang titulo ng programa – Sineskwela. Mabuhay!
Sa aking opinyon, ang logo ng Sineskwela na yata ang isa sa may pinaka-creative na logo ng isang programa. Mantakin mo, sino ba naman ang magkaka-ideya na gawing letra ang iba’t ibang mga kagamitan sa paligid? Dahil sa napaka-imaginative ng mga tao sa likod ngSineskwela, nagawa nilang maging letter S ang rolyo ng film, letter I ang kulay pulang crayon (lapis sa lumang version ng logo), letter E ang isang machine gear, isa pang letter S ang font na parang sa calculator, letter W ang isang kidlat o boltahe, isa pang letter E ang character na mala-Pac Man (hindi ‘yung boksingero, you know), letter L ang isang L-shaped ruler, at letter A ang isang maliit na telebisyon.
Ang simpleng mga paksa sa larangan ng siyensiya ay lalo pang naging mas masaya nang bumuo ang Sineskwela ng mga tauhan o characters na makakahatak sa mga batang manonood. Dito isinilang si Frederico Gonzales na gumanap bilang si Bok na akala namin ngayon eh si John Lloyd Cruz dahil magkahawig sila, si <*hindi ko alam kung sino*> bilang si Ugatpuno, ang punongkahoy na mukhang bakla, si Sheena Ramos bilang si Palikpik, siMaan Munsayac bilang si Kulitsap, si Brenan Espartinez na singer na ngayon bilang siAgatom, at si Tintin Bersola na mabuting maybahay na ni Julius Babao ngayon at gumanap bilang si Anatom. Meron pa nga silang chant noon, ‘yun bang sisigaw sila ng “Siyensiya! Siyensiya! Tuklasin ang hiwaga sa siyensiya!!!” (with matching pa-korteng S ng mga kamay tulad ng nasa larawan). At hindi ba’t may theme song pa ang grupong ‘yan?

“Narito na kami, Bok ang ngalan ko! Ugatpuno ako. Anatom, Agatom, makulit-Kulitsap,Palikpik naman ako!” (hindi ko na alam ang kasunod)
Ang mga tauhang ito ay may kanya-kanyang fields of expertise ika nga. Si Ugatpuno ay eksperto pagdating sa kabaklaan. Joke lang. Eksperto s’ya sa mga usapang pang-kapaligiran. Si Palikpik naman ay may kinalaman sa mga nilalang sa dagat. Reyna naman ng mga insekto at kulisap si Kulitsap na para bang korteng Iced Gem Biscuit ang ulo. Pinaka-cool sina Agatom at Anatom dahil sila lamang ang tanging nakakapasok sa loob ng kung anu-anong mga bagay at nilalang tulad ng katawan ng tao, mga hayop, halaman, at iba pa. Basta’t may nakita kang pink at green na parang Christmas light na kumukutitap, sila na ‘yun at nag-uumpisa na ang kanilang paglalakbay bilang mga dambuhalang atoms na may masisikip na costume.
Naitanong n’yo siguro kung saan eksperto si Bok? Wala lang, s’ya kasi ‘yung leader ng team na taga-utos sa kung sino ang mapag-tripan n’ya. Sa madaling salita, nagpapalaki lang s’ya ng itlog. Sarap yata’ng maging leader, hindi ba?
Madami pang cast ang Sineskwela bukod sa mga nabanggit ko. Meron pa silang Teacher Waki na hindi ko na maalala kung sino. Pero sa lahat ng naging cast nito, pinaka-popular na yatang ‘adult’ sa Sineskwela ay si Jon Santos. Kasama ni Jon Santos sina Winnie Cordero,Giselle Sanchez, at Panjee Gonzales (ng “Game Na Game Na!”). Sila ‘yung first batch ng mga nagsisilbing ‘teachers’ na nagtuturo sa “Sineskwela Kids” sa bawat episode ng programa.
Pagdating naman sa “Sineskwela Kids”, hindi ko na matandaan ‘yung first batch nila. Ayon sa mga nabasa ko sa internet, sina Antoinette Taus, Camille Prats, Patrick Garcia at Paula Peralejo daw ang nasa first batch. Ewan ko lang kung sila nga ‘yun.
Hindi ko makakalimutan ang programang ito dahil napanood ko ‘yung first episode nito (ganito yata ako, unforgettable para sa akin ang mga programang napapanood ko ang unang episode). Natatandaan ko, ang unang topic nila noon ay tungkol sa five senses. Sense of touch, sense of taste, sense of hearing, sense of smell, sense of sight. Hindi kasama ang sense of belonging at ang nonsense, okay?
Pero sa dami ng kanilang naging episodes, dalawa lamang ang pinaka-paborito ko. Una ay ‘yung nagpunta sila sa pagawaan ng Crayola. Pangalawa naman ay ‘yung pinakita nila kung paano ginagawa ang donuts sa Mister Donut. Pagkatapos kong panoorin ‘yung paggawa ng donuts, nagpagawa ako sa kasambahay namin dati ng home made donuts. Kaso, nakalimutan n’yang lagyan ng pampaalsa ‘yung donuts n’ya. Nagmukhang biskwit tuloy ‘yung donuts. Bwichet na ‘yan!
Sa bawat pagtatapos naman ng lessons at episodes nila, asahan mong may kantahan portion ‘yan. Madalas nilang ginagawang kanta ‘yung mga tinuturo nila. Halimbawa, tungkol sa human body parts ang topic sa araw na ‘yon, kakanta sila sa dulo ng “Sampung mga daliri, kamay at paa…” (at bakit ako nagpaliwanag?). At si Jon Santos lagi ang singer nila. ‘Yung ibang cast eh chumuchu-wariwariwap lang. S’ya nga pala, tunay na lalake pa si Jon Santos noong Sineskwela days, bagamat napapansin naming may kaunting pagkulot na ang kanyang boses noon.
Kung merong unforgettable episode, s’yempre meron din akong unforgettable song ni Jon Santos. Tungkol kasi sa ‘water cycle’ ang lesson of the day. Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon eh natatandaan ko pa ‘yung tono nito. Basta’t ganito lang ‘yung lyrics: Lahat ng term na may kinalaman sa ‘water cycle’ na nagtatapos sa ‘-ion’ eh iniisa-isa ni Jon Santos – evaporation, condensation, precipitation, infiltration, sedimentation, sublimation, transpiration, flocculation, coagulation, carnation (biro lang), at iba pa. Paulit-ulit lang ‘yon. Wala lang, naalala ko lang naman. (Dami ko talagang naaalala ‘no? Pasens’ya naman. Sharp memory kuno eh. Galit ka?)
(Ang haba na pala ng kuwento ko. Pero hihirit pa ako. Huwag ka nang magreklamo, minsan lang naman ‘to eh. K)
Pinapanood din ng nakababata kong kapatid ang Sineskwela noon kahit hindi pa s’ya nag-aaral. Lalo kaming natutuwa kapag nakikisabay kami sa theme song. Naaalala ko, vinediohan pa kami ni inay noon habang kumakanta ng Sineskwela theme song with matching action pa! Nakatago pa dito ‘yung VHS tape namin ng moment na ‘yon. Noong panahong ‘yon eh makapal pa ang mukha kong kumanta sa harap ng madaming tao. Mantakin n’yo, may solo number pa ako noon ng Sineskwela theme song sa isang pagtitipon ng nanay ko! Aliw na aliw din kami sa solo number ng kapatid ko dahil utal-utal ‘yung lyrics: “…sa science o agal… …Kaya’t habang maaga, mag-aral ng pasens’ya, sa tekyoyoya ang buhay ay gagan-daaa… HAAAAAH!!!” (Pasigaw talaga, nakakatawa! Sayang at hindi na namin mapanood ‘yung VHS tape na ‘yon. Huhuhu. Memories. Memories…)
Ibang klase ang impact ng show na ito hindi lang sa akin kundi pati na sa lahat ng mga kabataan noong dekada nobenta. Ayon pa sa isang pagsusuri, nakatulong ang programa upang mas maintindihan ng mga kabataan ang mga bagay na hindi nila masyadong maintindihan patungkol sa science. Kaya naman rekumendado itong panoorin sa mga eskwelahan lalo na sa public schools. At noong taong 2003, ginawaran ng Youth Prize sa20th Television Science Programme Festival na ginanap sa France ang “Pasig River Episode” ng Sineskwela. Educational na, award winner pa. Sangkapah?!
Bilang pangwakas, inirerekumenda kong pakinggan n’yo sa link na ito ang theme song ng programang nakatulong sa pagpapalaganap ng kaalaman ng mga bata sa agham at teknolohiya – ang Sineskwela! (Naglagay na din ako ng lyrics kaya’t maki-sing along na!)
“Bawat bata may tanong. Ba’t ganito, ba’t ganoon? Hayaang buksan ang isipan sa science o agham… Tayo na sa Sineskwela! Tuklasin natin ang siyensiya. Buksan ang pag-iisip, tayo’y likas na scientist. Tayo na sa Sineskwela! Tuklasin natin ang siyensiya. Kinabukasan ng ating bayan, siguradong makakamtan!
Bawat bata may tanong. Ba’t ganito, ba’t ganoon? Halina’t lumipad sa daigdig ng isipan… Tayo na sa Sineskwela! Tuklasin natin ang siyensiya. Buksan ang pag-iisip, tayo’y likas na scientist. Tayo na sa Sineskwela! Tuklasin natin ang siyensiya. Kinabukasan ng ating bayan, siguradong makakamtan!
Kaya’t habang maaga, mag-aral ng siyensiya. Sa teknolohiya ang buhay ay gaganda… Tayo na sa Sineskwela! Tuklasin natin ang siyensiya. Buksan ang pag-iisip, tayo’y likas na scientist. Tayo na sa Sineskwela! Tuklasin natin ang siyensiya. Kinabukasan ng ating bayan, siguradong makakamtan!”


1 comment

Anonymous said...

e

:a: :b: :c: :d: :e: :f: :g: :h: :i: :j: :k: :l: :m: :n:

Post a Comment