19 April 2012

Mapagkunwaring laro

.


“The carefree years”. Ayon sa iba, ganito daw ilarawan ang buhay ng mga batang paslit. Puro laro lang kasi ang nasa isip nila. Ang buong maghapon ay ginugugol sa paglalaro, at ang mga oras ay pinalilipas sa paglilibang. Hindi rin matatapos ang isang araw nang hindi sila nakakapaglaro, napapawisan, at kung minsan ay nadadapa at nasusugatan. Sabi nga ni LA “Idiodized Salt Boy” Lopez, “Eh kasi, bata!”. Marami din ang nagsasabi na malakas ang imahinasyon ng mga bata. Tunay nga naman dahil ilang beses na nga ba tayo nakapag-imbento ng mga laro noon na naisip lang natin bigla mula sa kung saan at sa ‘di malamang kadahilanan?
Isa sa mga nakakatuwang laro noon ay ang tinatawag na mga mapagkunwaring laro. Hindi ito isang uri ng laro para sa mga plastik na bata (dahil hindi daw nagsisinungaling ang bata) at sa mga pakitang tao lang. Sa unang tingin (o unang basa), aakalain mong mala-out of this world ang mga larong ito. Pero nagkakamali ka dahil sigurado ako na walang batang hindi nakapaglaro ng mga mapagkunwaring laro noon. Pero anu-ano nga ba ang mga halimbawa ng mapagkunwaring laro?

Bahay-Bahayan. Ito na siguro ang pinakasimpleng halimbawa ng mapagkunwaring laro. Lahat naman siguro tayo ay nakapaglaro na nito. Sa pamamagitan ng ilang mga patapong kagamitan sa bahay na gagawing pundasyon sa pagtayo ng bahay-bahayan ay maaari ka nang maglaro nito. Pangkaraniwan nang ginagawang bahay ang balikbayan box. Paboritong bahay ito ng mga paslit na wala pang kamuwang-muwang sa pinaggagawa n’ya sa buhay. At ang pinaka-pinto nila ay ang tuktok ng kahon, na nagsisilbi ring bubong ng bahay-bahayan. Ayos lang naman ‘yon dahil bata pa sila at hayaan na lang natin sila. Problema lang kung sa totoong buhay eh sa bubong ng bahay n’yo talaga kayo dumadaan. Malamang ay may tama ang mga taong nakatira doon o kaya naman eh ‘yung bahay mismo ang siraulo.
Sa mga tauhan naman ng bahay-bahayan, basta’t may lalake at babae ay ayos na. Kadalasang nagiging nanay-nanayan at tatay-tatayan ng bahay-bahayan ang magka-love team, tinutuksong love team, o ‘yung may crush sa isa’t isa sa buong tropa. Minsan naman ay ‘yung mga pinakamatanda sa grupo ang magulang-magulangan para magsilbing role model ek-ek sila sa mas nakababatang kalaro. The rest ay magsisilbing anak-anakan ng nanay at tatay (o kaya ‘yung mga wala nang role talaga). Paminsan-minsan ay meron pa ngang katulong o yaya, sila ‘yung mga kinakawawa sa grupo at laging etsepwera. Minsan nga meron pang alagang aso kuno, ‘yung saling pusa lang o pinakabata sa grupo.
Pero hindi porke’t walang babae sa grupo ay hindi na puwedeng maglaro nito. Ayos lang kung puro lalake kayong mga naglalaro. Tulad namin ni utol dati. Naglaro kami ng bahay-bahayan pero kunyari ay magka-kapitbahay kami at may sari-sarili kaming pamilya (pamilyado na ang mga ungas!). O, ‘di ba hanep. Pero puwede rin naman maging nanay at tatay kahit walang babae. Sana lang ay may lalakeng magsakripisyo para maging nanay, tutal alang-alang lang naman ‘yon sa ikagaganda ng bahay-bahayan. Mas magandang magpanggap na babae ang mga bata pa lang eh pumipilantik na ang daliri para kahit paano ay may preview na s’ya sa magiging buhay n’ya paglaki kung saka-sakali.
Wala na akong maalala na unforgettable moment kapag naglalaro kami ng bahay-bahayan, liban lang noong minsang nag-away kami ni utol habang nagbabahay-bahayan (hindi ko na matandaan ang pinag-awayan namin) at nakatulog si utol nang umiiyak habang may nginunguya pang bubble gum na nakalimutang iluwa kaya dumikit na sa baraha o playing cards. Wala lang, nabanggit ko lang.
Wala akong alam sa kasaysayan ng larong ito at kung sino ang grupo ng mga batang paslit na unang naglaro nito. Pero dahil sa larong ito, ang mga bata ay nagkaroon ng preview sa kanilang paglaki, at kung ano ang maaari nilang maranasan kapag nagkaroon na sila ng pamilya sa hinaharap, bagamat masyado pa silang bata noon para magka-pamilya.

School-Schoolan. Isa ito pinaka-paborito kong mapagkunwaring laro. Katulad ng isang normal na paaralan, may magsisilbing guro at mga estudyante sa larong school-schoolan o aral-aralan/titser-titseran. Madalas na maging guro ang mga batang matalino at ‘yung may “leadership potential”, at ang ibang bata naman ang magiging estudyante. Pero minsan, ang mga nakakatanda (tito, tita, magulang) ang umaaktong guro at taga-check ng papel.
Labag sa batas ng school-schoolan ang magsuot ng uniporme. Dahil naglalaro lang naman, walang opisyal na porma ang school-schoolan. ‘Yan ang isa sa mga adbentahe ng larong ito dahil hindi na kailangan pang magsuot ng magara para lang may matutunan. Kahit nga nakahubo’t hubad ka eh ayos lang, basta’t katulad sa totoong eskwelahan ay maging masipag kang mag-aaral (at s’yempre dapat ay malakas ang apog mo para gawin ang bagay na ‘yan).
Sa aming magpipinsan ay ako lagi ang guro sa school-schoolan namin dati. Dahil grade one pa lang ako noon sa totoong buhay at ang adviser ko ay si Miss Capiral, s’ya ang ginawa kong modelo sa school-schoolan namin. Naging istrikto din ako sa mga pinsan ko kumbaga. Namamalo pa ako noon ng mga kamay ng mga pinsan ko kapag may hindi sumusunod. Feel na feel ko talaga noon ang pagiging maestro. Kaya naman minsan akong nangarap na maging guro (isa sa mga ibang klaseng pangarap ko noong bata bukod pa sa maging nobelista, piloto, at pari).
Meron akong isang hindi malilimutang pangyayari sa paglalaro namin ng school-schoolan. Spelling ang subject namin noon. May isang salita ako na pinapa-spell sa mga estudyante kuno ko na nagsisimula sa letter B (nakalimutan ko na kung ano ‘yung word na ‘yon). Ewan ko kung paano napunta sa puntong nagbigay ako ng clue. Ang sabi ko sa kanila, “ang simula ay letter B as in bobo”. Gulat na gulat sila. Nagmura daw ako. Oo, maselan talaga kami dati sa mga mura, kahit ‘yung mga salitang “bobo” o “tanga”. Mangiyak-ngiyak na ako noon dahil tinatakot nila ako na isusumbong daw ako dahil nagsabi ako ng “bobo”. Sabaw moments. Grabe, ewan ko ba kung masyado kaming mabait noon o engot lang talaga kami. Siguro eh masyado lang kaming ginabayan ng mga magulang patungkol sa mga pananalitang ‘yan.
Ang pinakagusto kong parte bilang guro ng school-schoolan ay kapag nagche-check na ako ng mga papel ng aking mga estudyante. Naipapraktis ko kasi ang pirma ko. Adik kami sa iba’t ibang pirma noon lalo na ng mga kaklase ko. Ginagaya namin sa scratch paper ang mga pirma ng ilang sikat na personalidad tulad nina Gary Valenciano, Joseph Estrada, Richard Gomez, at iba pa. Kung sariling pirma naman ang pag-uusapan, mas magulo ang pirma, mas astig dahil walang makakagaya nito. Nagkaroon pa nga ng pagkakataon na nagpagawa ako sa nanay ko ng stamper o pantatak na ‘yung signature ko ang nakalagay, para lang doon saschool-schoolan namin. Astig, parang bigatin akong tao noon dahil pa-stamp stamp na lang ako sa mga papel! Tapos ako pa mismo ang gumagawa ng exams ng mga estudyante ko. Hindi lang basta exam dahil typewritten ito at pina-photocopy ko pa sa tatay ko! O, ‘di ba damang dama ko talaga ang maging guro noon.
Nakakatuwa lang isipin na noon eh nagagawa pa nating maglaro ng aral-aralan samantalang sa ngayon, kahit ang mag-aral sa totoong buhay eh tamad na tamad tayo. Patunay kaya ito na mas masipag ang mga batang paslit kesa sa ating mga nagbabata-bataan? O sadyang inosente lang talaga sila kumpara sa mga ganitong edad natin na bukas na ang pag-iisip?
Masipag talagang maglaro ng school-schoolan ang mga kabataan noon. Meron din kayang naglalaro ng school-schoolan sa college? Sigurado akong wala na. Pero kung meron man, eh ‘di s’ya na! The best s’ya!

Luto-Lutuan. (Hindi ko na kailangan pang ikuwento ito dahil minsan ko nang naikuwento ang tungkol dito. Pindutin mo na lang ang link na ito. Pero dahil ganado ako ngayon, meron pa akong idadagdag. Pasens’ya na, magtiis ka! Biro lang.)
Kahit mag-isa ay nakakapaglaro ako ng luto-lutuan noon sa may likod-bahay ng lola ko. Gamit ang mga lumang lata, posporo na pinapasindihan ko sa tita kong tibo, at mga dahon galing sa iba’t ibang uri ng halaman (lalo na ang dahon ng sampalok dahil may puno ng sampalok sa likod-bahay ng lola ko dati), wala akong ginawa sa buong maghapon kundi magmukhang mangkukulam at maghalo nang maghalo nang maghalo hanggang sa abutan ako ng dilim.
Nakakatawa lang dahil noong bata pa ako ay binili kaming dalawa ni utol ni inay ng plastik na luto-lutuan! Tunay na lalake kami ni utol pero ewan ko kung bakit kami naisipang ibili ni inay ng ganoong klaseng laruan. Nakita n’ya kasi siguro na nagluluto-lutuan kami noong isang araw. Buti na lamang at minsan lang nangyari ang insidenteng ‘yan.
Bukod sa bahay-bahayan, school-schoolan, at luto-lutuan, may iba pa kaming nilalaro noong bata. Ang ilan siguro ay pawang mga imbento lang namin, tulad ng mga sumusunod:
Office-Officesan. Kung merong bahay at pag-aaral, s’yempre dapat ay meron ding trabaho. Mahilig kaming mangolekta ni utol noon ng mga“pome” o patapong mga papel at kunyari ay nasa isang opisina kami. Magkumpare at magkatrabaho kami kuno ni utol. At nga pala, kami din ‘yung magka-kapitbahay doon sa larong bahay-bahayan na nabanggit ko kanina.
Darling-Darlingan. Ah! Ang mapagkunwaring laro ng mga malilibog at mapagpantasyang mga paslit. Ito na siguro ang pinaka-kakaibang laro na naimbento namin noon. May kaugnayan din ito sa larong bahay-bahayan at luto-lutuan. Magsisilbing asawa o “darling”namin ang mga crushes naming artista o personalidad, na nasa katauhan ng sarili naming mga unan (pillows). Ilang beses din kaming naglaro nito ni utol at ng mga pinsan ko. Nakakatawang isipin na asawa daw kunyari ni pinsan si Mara (Judy Ann Santos ng Mara Clara) at pinaka-ayaw n’yang babae si Clara (Gladys Reyes). Asawa naman daw ni utol sina Kimberly (Pink Ranger), Ginger Spice at Baby Spice (Spice Girls), at kung sinu-sino pa. At dahil nagkabistuhan na, aaminin ko na rin na pinagpapantasyahan kong maging asawa noon sina Andrea Corr (vocalist ng The Corrs), Katie Holmes (na-love at first sight ako sa kanya pare), Posh Spice (kahit na s’ya ‘yung mukhang bading sa grupo), at iba pa. Tara,darling-darlingan tayo! <*ngisi!*>
Nakaka-miss ang maglaro ng mga ganyang klase ng laro. Bagamat hindi naman talaga sila totoo eh nagiging tunay na rin ito lalo na sa mga mata ng bata. Marahil ay ganyan talaga kalakas ang imahinasyon ng mga bata. Kung sabagay, ganoon naman talaga kapag musmos, ang lahat ay laro lang para sa kanila. Pero ang totoo, sa mga larong ito ay nagkukubli ang mga kainosentehan nila, at ang mga aral na hindi sinasadyang matutunan at mga kaibigan na hindi inaakalang makikilala.
Ikaw, ano ang mapagkunwaring laro n’yo ng mga kalaro mo noon?
Gusto mo ng malulupit na kwento ?? Punta ka dito :)

2 comments

Unknown said...

i actually pretend that i am playing with someone. i grew up alone so either i pretend i am playing with someone, or i pretend that i am a war general and my dogs are my minions.

nagpapanggap pa rin ako hanggang ngayon.

Unknown said...

hahaha !! npapadalas ang iyong pagbisita sa aking blog at ako'y nagagalak .. haha ! errr ! nakakakapagpabagabag . hahaha ! ganyan din ako .. laruan ko pa nga nun ung mga sipit sa sampayan eh .. nga pla , may blog kba ? bka pedeng ma-follow kita ^^

:a: :b: :c: :d: :e: :f: :g: :h: :i: :j: :k: :l: :m: :n:

Post a Comment