Hindi ako fan ng action movies, wag mo akong asahan sa ganyan. Pero nakapanood ako ng ilang pelikula nila FPJ, Rudy Fernandez, Philip Salvador, Bong Revilla, Cesar Montano at Robin Padilla. Hindi ako magaling na kritiko ng pelikula, pero alam ko ang pinagkaiba ng maganda sa hindi, ang mahusay sa hindi o ang may kwenta sa wala.
Lagi kong inaabangan ang mga pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival. Kasi ibig sabihin, pinaghandaan, pinag-isipan, pinag-aksayahan ng panahon at hindi biro-birong artista ang isasalang dito. Pero minsan nagiging pare-pareho na, hindi na nakakasabik ang mga pelikula. Hula mo na ang twist at kung anu-ano pa. Dahil dyan, laging horror na ang inaabangan ng pamilya kaya una naming pinanood ang Segunda Mano. Pero dahil hindi ito tungkol sa pelikulang yan, hindi ko na pahahabain pa, para sa akin deserving si Dingdong Dantes para sa Best Actor.
Isang linggo ang lumipas, ang dami kong nababasa at nadidinig na maganda daw ang Asiong Salonga Story. Inaya ako ng pinsan kong manood, curious ako, oo. Kaso naman kasi baka tulad lang ito ng ibang pelikulang parang ewan lang sa bakbakan, laging huli sa eksena ang mga parak at halata mo kung sinu-sino ang goons sa hindi. Ayoko makakita ng itim na leather jacket o kung anu-ano pang simbolo ng kontrabida ka. Para mamatay na ang curiosity ko sa pelikulang ito, o tara! Nood na tayo.
Habang nakapila kami sa Cinema 3, naglalabasan naman sa sinehan yung iba -- puro goons at gangster. Tama ba ang papanoorin namin?
Nagsimula na. Black and white, binubugbog si Asiong (Jeorge Estregan). Hanggang sa binitawan ni Viray (Roi Vinzon) ang mga katagang,
"Trak, trak pa ng bigas ang kakainin mo, bago mo kami talunin."
Sabay-sabay nag-react ang mga manonood. Mukang malulupet ang linyahan dito. Seryoso ang mga manonood,wala kang maririnig na kalansing ng balot ng pagkain o higop sa paubos ng inumin. Matapos bugbugin si Asiong, salitang "Tara!" lang ang senyales niya sa mga kasama niya para rumesbak. Patalim at tirador laban sa mga baril, astig!
Halos hindi mapigilan ang pagtawa ng mga tao ng mapansing halos komedyante ang mga kasama ni Asiong, maski ang salita ni Asiong, natatawa sila. May narinig pa akong nagtalo kung si Efren "Bata" Reyes ba si Amay Bisaya.
Ang galing ng effect. Sumi-cinematography at bume-best picture ang Manila Kingpin. Kahit maraming nagsasabi ng magulo daw ang istorya. Hmm.. kung tambay nga si Asiong at hindi naman siya nangongotong sa mga tao, saan niya kinukuha ang perang pinamimigay niya? Robinhood ng Pilipinas ika nga.
Wala akong pakialam kung marami ding nagsasabing walang kwenta panoorin ito, e nagandahan ako kahit hindi mga ganitong tema ng pelikula ang pinapanood ko. Bigla kong minahal ang black and white at pormahan dati; ang kalesa at ang vintage na sasakyan; ang mataas na halaga ng piso at mababang presyo ng sinehan.
Totoong istoryan ito ng totoong tao. Pero totoo din kaya na noong sinugod ni Totoy Golem (John Regala) sina Asiong habang nagbabaraha sila at nagkatutukan ng baril, e kamao lang ang itinaas ni Amay Bisaya? Deadly. At nagbatuhan nanaman ng makamandag na linyahan;
"Hindi ako tinatayuan ng balahibo sa'yo Golem. Kung matapang ka, iputok mo!"
At sa suntukuan ni Golem at Asiong na may kagatan ng braso, tusukan ng ilong at hatakan ng bibig. Aguy! Tapos sabay sabing "BOOOOOO!" ng mga taong usi matapos ang hindi makataas balahibong laban.
Maraming epic moments sa Manila Kingpin. Mula sa aksyon, drama hanggang sa komedya na hindi mo agad-agad makakalimutan paglabas mo ng sinehan. Tiyak ikukwento mo, ipagsasabi mong hindi sayang ang ibabayad mo. Sino bang makakalimot sa kalesa chase nina Totoy Golem at ang dati niyang tropapips? Hanep sa habulan ng kalesa at hanep sa paghataw ng kabayo ang kutsero. Steady lang kahit nagbabarilan na. At sa laki ng kabayo, hindi man lang yun nabaril ng sandamukmok na palitan ng putok, pero si kutsero.. dedbol. Hindi rin malilimutan ang saksakan habang nakatali ang kamay o duelo nina Asiong at Boy Zapanta (Ronnie Lazaro) sa loob ng kulungan. Kung paano ilagan ni Asiong sa tubig ang malampang pagsaksak ni Zapanta. Palakpakan ang mga tao.
Ang dami agad reaction paper kahit hindi pa tapos ang palabas. E ano naman kung hindi makalabas ng kulungan si Mayor (Jay Manalo) pero nakaya niyang palabasin si Asiong. Malay ba nating mas gusto niya sa loob ng Munti. At bakit nakakasira ng barilan scene si Kiko (Ketchup Eusebio), ano naman kung gusto niyang makipagbarilan habang nagbibisekleta? E bakit, kaya mo ba yun? At namatay pa yata dahil sa pagsemplang niya.
At ano din nga naman kung nakakabading ang posing ni Pepeng Hapon (Joko Diaz) nung namatay siya? Mapipili mo ba yun kapag namatay ka na, hindi naman di ba? Hindi naman matatawaran ang eksena ng barilan nila sa ulan. Sabayan pa ng hampas ng tubig na tila sumasabay sa dalawang karakter. Astig ng pagkaka-edit, umi-slow motion, e.
Paganda ng paganda ang eksena. Nakalaya na si Asiong sa pagkakakulong. Masayang masaya ang lahat lalo ang asawa niyang si Fidela (Carla Abellana) at ang kapatid niyang pulis na si Domeng (Philip Salvador). Parang ayos na ang lahat, parang hindi na mambabae si Asiong, parang okay na sila ni Golem, parang wala ng barilan, pero yun pa lang pala ang simula. Iyon ang simula ang trayduran sa grupo, ng sa dahil sa kapangyarihan at ng dahil sa pera. Sa simula pa lang alam mong walang magandang gagawin si Erning Toothpick (Baron Geisler), ibig lang sabihin, effective ang role niya.
Makapagbagbagdamdamin ang pagkamatay ni Asiong. Yung tipong madadala yung emosyon mo hindi dahil alam mong bida siya, kundi alam mong hindi patas ang pagkamatay niya. Pagbaril mula sa likod ng isang kaibigan, si Erning. Matapos sabihing,
"Iputok mo, Erning.. ng matapos na!"
Saklap lang. Nag-udyok ng galit ang eksenang iyon. Parang lahat gustong pagtutusukin ng toothpick si Erning hanggang sa mawalan siya ng hininga. At mabuti na lang gumanti ang ibang kaibigan ni Asiong. Sinuntok, sinipa, tinalian ang mga kamay, binitin sa puno, sinunog at binaril. Sarap! Morbid! Damang-dama mo sa dalawang eksenang ito ang sinabi ni Asiong na:
"Mas masarap ang mamatay sa kamay ng kaaway, nguni't masakit mamatay sa kamay ng kaibigan."
But wait, there's more. Hindi pa pala tapos. Akalain mong sumugod pa sa libing ni Asiong si Golem. Pero wag ka, handa ang mga loko sa barilan. Akalain mong armas ang laman ng kabaong na pasan nila. Ang sarap pumasok sa eksenang ito, makikita mong gigil ang mga kasamang matatanda sa sinehan. Ramdam mong apektado sila, sabay pa ng tugtog na Mad World ng Tears for Fears. And the last man standing.. Bimbo (Yul Servo), ay kasali pa rin pala si Pareng Ipe. ☺
Kung tinamad kayong panoorin at basahin, sayang! Maganda ang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story. Kahit hindi ito magse-sequel ng aabot sa trese, o tinatambalan ng sinasabing humahakot sa takilyang artista.. ano naman? Kahit hindi ito ihahalintulad sa banyagang pelikula na ginaya lang din naman, ano naman?
Ang tagal nawala ang ng Philippine Action Movie sa eksena. At ngayong humahakbang muli sila pabalik, binabati ko kayo sa isang maganda at walang katulad na simula. Siguro nga, trak, trak na bigas pa ang kailangan upang makabangon muli, pero ano naman? Darating din ang panahong masasabi natin sa mga pelikulang ginagawa lang para masabing may ipalalabas na pelikulang, "Patutumbahin kita mismo sa lupang kinatatayuan mo." Lalo pa't ngayong protektado tayo ni Asiong.
“Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story” is the biggest winner at the 37th Metro Manila Film Festival Awards Night (MMFF 2011) held at Resorts World Manila on December 28. The movie about Asiong, the smart and toughest mobster of Tondo, bagged a total of 11 awards.
“Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story” Awards at 2011 MMFF:
Best Picture
Best Director – Tikoy Aguiluz
Gatpuno Villegas Cultural Award
Best Supporting Actor – John Regala
Best Screenplay – Roy Iglesias
Best Production Design – Fritz Siloria, Mona Soriano, and Ronaldo Cadapan
Best Editing – Jason Canapay and Ryan Orduna
Best Musical Score – Jessie Lazaten
Best Sound Recording – Mike Idioma
Best Original Theme Song – Ely Buendia -”La Paloma”
Best Cinematography – Carlo Mendoza
27 February 2012
Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story
Author:
Unknown
.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments
Post a Comment