Fresh Grad Blues (Isang Pagse-senti ng Gutom)
Biyernes ng madaling araw, alas tres. Nanunuyot na ang mga mata mo’t nagsusumigaw na pahingahin mo na sila. Ilang oras ka na rin namang nakatutok sa encyclopediang binabasa mo, este compilation pala ng mga photocopied articles tungkol sa mga kaso laban sa COMELEC. Ang dugo mo ay pinag-halong kape at Extra Joss at ang iyong mga labi, bestfriend na si Marlboro. Walang humpay ang kaibigan mo (na eventually naging kaaway mo na naging kaibigan mo ulit) sa kaka-text sa ‘yong i-email mo na yung Chapter 5 ng thesis dahil toka mo yun.
Sounds familiar?
Ito tayong lahat ilang buwan bago ang graduation. Feeling natin sobrang busy na ng buhay, para bagang napagkaisahan ng mga guro, paaralan at buong educational system na pahirapan ang mga malapit nang mag-martsa sa entablado at pilitin silang sumuko sa laban. Pero hindi, hindi maaari. Dahil sa dulo ng lahat, may nag-aabang na pa-premyo – isang diploma (at kung swerte ka, medalya pa).
Sa apat na taong iginugol natin sa unibersidad, lagi tayong sinasabihan na mas mahirap sa “real world”. Na kakainin tayo ng mga pating at lalapain ng mga leon. Sulitin daw ang mga nalalabing panahon pagkat minsan ka lang maging kolehiyo.
Pero bakit nga ba ang tigas ng ating ulo? Bakit ba kating-kati na tayong maging “independent” at kumita ng sariling pera? Kung alam lang siguro natin ang mga nag-aabang sa labas ng institusyong humubog sa’tin, marahil ay magkikita-kita tayong muli sa enrollment, at sa sumunod pa, at sa mga susunod pa, forevermore.
Kung alam lang siguro natin na may mga kupal na boss na hindi nakokontento sa kakayahan ng mga “hamak na fresh-grad”, baka minahal natin ng lubusan ang ating mga propersor, bading man, menopausal, kalbo o combination of the three, na tumulak sa atin upang maging magaling. Choose the lesser kupal, kumbaga.
Kung alam lang siguro natin na sa totoong buhay, halos araw-araw ay may presentations at deadlines kung saan nakasalalay ang iyong career, marahil ay hindi natin binale-wala ang mga recitations at reportings kasi kung pressure lang ang pag-uusapan, walang binatbat ang huli.
Kung alam lang siguro natin na hindi naman tayo yayaman agad dahil lang sumisweldo na at hindi na rin magbibigay ng allowance ang mga magulang natin, baka mas nag-ipon tayo dati at hindi winaldas ang pera sa mga walang kapararakang bagay tulad ng DOTA at mamahaling kape.
Kung alam lang siguro natin na ibang level ang senority, politika at crab mentality sa opisina at industriya, baka mas trineasure natin ang ating mga ka-klase at kaibigan na kahit ano mang mangyari, alam mong nariyan lang para sa ‘yo, handang makinig, rumesbak at magpautang.
Kung alam lang siguro natin na mas mahirap palang sumagot ng tawag 24/7, mag-produce ng sariling show at plugs per week, mangumbinsi at magpaliwanag sa mga kliyente gabi-gabi, magpatakbo ng business araw-araw at magturo ng mga Koryanong may amoy, kesa magbasa ng tula, magsulat ng reaction papers, mag-conceptualize ng ads o mangopya sa quizzes, marahil ay hindi na natin ginustong grumaduate o tumapak pa sa labas ng Uste.
At hindi ka pala humaharap sa buhay na hawak ang diploma’t mga tropeyo mo o may medalyang nakasabit sa leeg mo. Huhusgahan ka pa rin pala sa iyong pagkatao at galing, hindi sa grades. Mapapaisip ka tuloy, “E bakit ko pa minemoize yun? Badtrip.”
Una kong na-encounter ang ABNKKBSNPLAko nung first year college pa ‘ko. Kamakailan lang binilhan ko ang daddy ko ng kopya at binalikan ang mga words of wisdom ni Bob Ong. Umiyak ako. Sobra-sobra. Hindi mapigilan. Sa wakas, naunawaan ko rin ang mga sinabi niya.
Fresh grad blues siguro itong pinagdaraanan natin. Sa loob ng isang taon, tiyak ko wala no ‘to – naka-adapt na naman siguro tayong lahat sa panahon na ‘yon. Pero hanggang sariwa pa ang pangungulila natin sa isa’t isa, hayaan niyo akong magpasalamat sa pinagsamahan natin- sa mga luha at tawanan at aral at katarantaduhan at higit sa lahat, sa pagkakaibigan.
CREDITS TO: http://funnysexy.ph/2007/08/fresh-grad-blues-isang-pagse-senti-ng-gutom/
0 comments
Post a Comment